Pa rin.

May mga dumarating at umaalis dahil sa sariling kagustuhan at hindi dahil sa pangangailangan.
May mga dumarating at umaalis dahil sa pangangailangan at hindi dahil sa sariling kagustuhan.

May mga pangangailangang nagiging sariling kagustuhan at
may mga sariling kagustuhang nagiging pangangailangan.

Ngunit anuman ang dahilan, palagi’t palagi pa ring may dumarating at umaalis – may naiiwan

at hindi pa rin ako nasasanay.




Ibabaon na lang din ba kita, kagaya nila sa aking baul ng mga alaala?


*


Minsan may binabalik-balikan, may bumabalik-balik dahil alam na may babalik-balikan.
Pero minsan, ang bumabalik-balik, pabalik-balik lang din naman sa daang dati nang naraanan. Ngunit ang kaibahan, wala na ang dating iniwanan.


Kung minsan, hindi mo na maaari pang pulutin ang dati mong iniwanan dahil malamang na hindi rin magtatagal ay magagawa na niyang pulutin ang kanyang sarili o kaya nama’y, pupulutin na rin siya ng iba. Wala nang saysay ang pagkapit pa sa mga sariling pag-aakala.



*


Minsan, may bumabalik hindi upang ibalik ang dati kung hindi upang wakasan na hindi lamang ang dati kung hindi pati na ang lahat. Subalit minsan, may naghihintay, hindi ng wakas kung hindi ng pagbabalik ng dati at ng pagpapatuloy ng lahat.


Minsan, ang pagbabalik ay hindi nangangahulugang pagyakap at pananatili kung hindi ang tuluyang paglisan – pamamaalam. Ito ang unang hakbang sa patuloy na pag-usad at pag-unlad. Subalit minsan, may mga mas pinipili ang manatili at mapag-iwanan; naghihintay pa rin sa hindi na naman darating.




Patawad kung natagalan ang muli kong pagbabalik. Patawad din kung ang aking muling pagbabalik ay isang pamamaalam. Sana hindi ko na pinahirap para sa’yo ang lahat. Sana hindi ako naging makasarili at hindi kita iniwan na lang basta sa ere, nakabitin sa sangang natira upang makapitan mo. Baka sana, naging mas mabilis ang pag-usad mo. Eh ‘di sana hindi na kita inabutan pa dito, naghihintay pa rin sa pagdating ko.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home








Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket