Labsik pa rin.

It only takes a single bullet
to kill one of us.
How much more of us will it take
to halt the gale of bullets?


- mula sa tula ni Lisa Ito,
Questions from Autopsies




*


Hindi ako nakatulog kagabi.


Oo nakapikit ako buong magdamag at nananaginip ngunit ang diwa ko'y mas gising pa kaysa kapag ako ay totoong gising. Kung sabagay, minsan nga hindi ko na rin tiyak kung mas gising nga ba ako kapag ako ay gising o kung kapag ako ay tulog.

Hindi ako nakatulog dahil muli akong binisita ng mga multong naging bahagi ko na rin; mga nawawalang mukha, mga pangalang walang mukha, mga pangalang nakikipaglaban upang huwag maging titik na lamang, mga pangalang nangangambang mawalan na ng mukha at maging datos na lamang. Mabigat ang kaloob-looban ng mga multo kahit na sila pa ay wala ng makamundong katawan. Sa katunayan nga, mas mabigat pa sila ngayong wala na ang mga katawang ito. Paano'y sampung beses na mas mabigat ang kanilang mga dinadala ngayon, iyon ay kung masusukat nga bang talaga ang bigat ng kanilang dinadala.

Hindi ako nakatulog kakaisip sa kanila. Sapagkat ang mga multong ito ay hindi lamang mga datos at statistika, hindi lamang sila laman ng balita, hindi lamang sila binubuo ng mga titik at pigura, hindi lamang sila mga tau-tauhang walang pinagkaiba sa isa't-isa at hindi mo mapapansin ang bawat pagkawala nila. Ang mga multong ito ay may mga mukha, may pagkatao. May mga pangarap sila, may paboritong pagkain, may paboritong gawin. May mga pamilya sila, kaibigan, kasintahan, asawa, kaklase, katrabaho, kapitbahay, mga kasama na naghihintay sa kanila. Ang buhay nila ay mahalaga.

Ang nais lamang nila ay makamit ng bawat isa sa atin ang mundong nararapat para sa atin; isang mundong makatarungan at malaya. Ngunit ano ang isinagot ng mga naghahari-harian sa kanila? BALA. Bala at saradong mga tenga at mata; nagmamatigas na puso. Bala ang isinagot sa kanila; bala, dugo, sakit, luha, pangungulila, paghihinagpis.

Ngunit hindi na kinailangan pa ng mga multo ang magsalita upang sila ay maunawaan ko, ni hindi na nga nila ako kinailangang gisingin pa upang mamulat ako at upang maibahagi nila ang bigat ng kanilang dinadala. Sapagkat ang bigat na dinadala nila ay dinadala ko rin; dinadala ng bawat isa sa atin.

Hindi na nila kailangan pang ako ay bisitahin at huwag patulugin gabi-gabi upang maniwala akong silang mga multo ay hindi naman talaga namatay kahit kailan; at hindi sila mamamatay kailanman. Sapagkat ang bawat paglaho ng isa sa kanila, sa bawat pagkawala at panandaliang pagpanaw nila ay uusbong - at patuloy na umuusbong, sampung beses na mas matatag at mas marami pa - ang mga bagong mukhang magpapatuloy ng kanilang sinimulan at hindi makalilimot na itulak sa mas mataas pang antas ang kanilang mga ipinaglaban.

Dahil dito'y tinatanaw ko, dapat nating tanawin kasama nila ang lahat ng mas marami pa at mas mahahabang gabi nang gising at mulat at hindi nawiwili sa mga makasarili at makamundong pananaginip, pangangarap.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home








Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket