Isang sipi mula sa naalimpungatang akda

Para sa lahat nang nasusugatan sa pakikibaka.


Hindi madaling mabuhay nang gising – kahit pa nakapikit.
Kadalasan, hindi masarap
kung hindi masakit
ang pagdantay ng sinag ng araw
sa sariling mukha – at
hindi nakakakilig
ang paghalik
ng hangin sa hubad
na pisngi
kung hindi mahapdi
malupit,
nakasusugat.

Hindi madaling mabuhay nang gising – lalo pa’t mulat.
Sapagkat kadalasan,
ang mga matang iminulat ay
hindi na maipikit muli,
takot na baka
masundan hanggang
sa kadiliman
ng mga multong
hindi rin maiwasang titigan
sa gitna ng init
ng katanghalian.

Hindi madaling mabuhay nang gising at mulat.
Sapagkat ang bawat paghakbang ay
pagkadapa; pagkasugat
ngunit muling pagtayo; pag-usad.
Ang bawat pagtitig ay
pagkasilaw; pagkapuwing,
pagkabulag
ngunit muling pagmulat
sa mas malinaw,
sa mas maliwanag.
Ang bawat pagtibok ng puso ay
pagdurugo; paninibugho,
pagkamatay
ngunit muling pagkabuhay,
pananatili habambuhay.
Ang bawat paghinga ay
pagkalunod; pagkabigo,
puspusang pakikidigma;
sagad-sagarang pakikibaka.



Kung minsan, mas madali mo pang nasasabi ang mga nais mong sabihin kapag nasa pagitan ka lang ng pag-idlip at paggising.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home








Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket