Isang sikreto II.

Maraming dyip. Buhol-buhol ang trapik. Hindi umaandar ang napakaraming dyip. Maraming tao. Buhol-buhol ang mga tao. Hindi makalakad ang mga tao.

Mainit. Tirik na tirik ang araw. Nagbabaga ang mga kalsada. Lumalatay sa mukha ang mga alikabok.

Sumakay ako sa isang dyip na natali sa trapik. Hindi ko alam kung saan papunta ang dyip. Hindi ko rin alam kung saan ako talaga pupunta pero may pakiramdam akong malalaman ko rin na doon ko gustong pumunta kapag nakarating na ako doon.

Umandar na ang dyip. Mabilis ang takbo nito. Parang may gustong takasan, nagmamadali lang talaga sa pupuntahan o dahil alam na alam lang talaga nito kung saan pupunta.. Dumaan ang dyip sa isang mahabang highway; parang walang katapusan. Hindi ko alam ang lugar pero may pakiramdam akong hindi ako naliligaw.

Bumaba ako ng dyip. Hindi ko alam kung nagbayad ba ako o hindi. Sumakay ako ulit sa isa pang dyip. Tapos bumaba na naman. Tapos sumakay ulit. Dumaan ako sa napakaraming kalsadang nagsasanga-sanga. Matagal akong nakasakay sa huling dyip. Payapa kong tiningnan ang kalsadang pahaba nang pahaba habang naaaliw sa ideyang malayo ang aking pupuntahan. Napangiti ako nang palihim habang palihim akong nagpaalam at palihim ring nasabik sa aking pupuntahang hindi ko talaga alam kung saan.

Alam kong marami na rin ang dumaan sa mga kalsadang ito; napadpad sa byaheng ito.
Marami ang naghihintay sa akin.
Malapit na ako.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home








Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket